Michelle Coletraba
CeD TLE – 1B
Ang Sukatan ng Ligaya
ni Liwayway Arceo
Maikling Kwento
NAGMAMADALI si Aling
Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid at makita
siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May
tatlong araw nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang
pinangungunahan ng anak.
“Ang Inang. . .
nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa
niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing
iyon ni Medy ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa
tinig nito nang pansinin ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang
hindi siya mawili sa tahanan nina Medy.
Noong una ay
idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may isa
nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay
nakakabit sa koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa
karaniwang nakikita niya sa kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon
lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya nasiyahan. Nasipon pa nga siya.
Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang makauwi sa nayon.
Hindi niya
maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa
magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na
kapitbahay. Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa
isang panig at may pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng
hardin. Ngunit sa tuwing maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may
hinahanap siyang kung anong bagay na mawawaglit.
Naikuwento niya
iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula niya sa
pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa
rito sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang
napakamahal ang mga halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang
ipahipo ang mga dahon ng mga masetas, e!”
Napangiti si
Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo. Parang
napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng
matanda.
“H-ha?”
“Aba, oo! Sinabi
‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa kanya. . .
hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “
Sa dakong iyon
ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may
gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni
Medy.
“Hindi maaaring
magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki
ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa
buhay ang naging asawa.”
“Ngunit ang
hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang
iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil
alam niyang magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni
Mang Laryo. At kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa
pagkakaloob niyon.
Ilang katok sa
pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.
“Inang, “ narinig
niyang tawag ni Medy.
“Halika, Anak. .
. “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal
iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.
Hindi tumitingin
si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.
“Ay, salamat. .
. at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya.
Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.
Nagtaka si Aling
Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita siyang
nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.
“Talagang
pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.
“S-sa’n . . .
sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.
“Talagang
sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”
Napalabi si
Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming pamamasyal
bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”
1
Napabuntunghininga
nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang sinasangkalan ni
Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . . Iniiwasan
niyang may masabi ito.
“Baka
kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.
Napatawa si
Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang tayo
at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa
labas. Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong
ilog do’n sa ‘tin!” biro pa ni Medy.
“E sige . . .”
patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong
makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’
“Kasi naman,
hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.
“Alam mo namang
may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo mo,
luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’
dugtong pa niya.
“Siya. . . siya.
. . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo
mapipigil, e. . .”
Nang lumabas si
Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong babae na
sinusundan-sundan ng mga yaya.
Ang panganay ni
Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang
tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo
kay Idad, na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong
taon ay napakalikot naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.
Naupo si Aling
Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng mga
apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo
kay Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa
paglapt sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad
ngayon na nakaupo siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at
magtutulakan naman ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.
Nang lumabas si
Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting
abaloryo.
“Ito na’ng isuot
n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.
“Naku ,’’ tutol
niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’
Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang
kanyang mga paa.
“ Ku, kaya kayo
ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang
binili namin. . . ’’sabi ni Medy.
“Kow. . . e
hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa
ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.
“Kaya nga!
Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa
pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni
Medy.
“Mamaya, maisip
ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”
“Bakit ‘yon ang
iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin niya si
Medy.
Nanibago si
Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng sapatilya.At matigas
ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang kanyang
talampakan.
Isa pa iyon sa
mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni Medy
ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba.
Sa kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi
siya Malaya. Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa
pamantayan ng kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.
Napansin ni
Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang
sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na
granate, e! Bumata kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. .
.’’
Dahan-dahan at
buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.
“Masakit ba sa
paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga hakbang.
“Hindi naman.
. . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa
ang kotso. . .”
2
Wala sa
pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni
Idad, at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga
apongnaiwan nang makasakay siya sa kotse.
Katabi niya ang
dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong ng mga
iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo.
Waring hindi siya nakikilala.
“Sinuswerte kami
sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya samantalang
namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang
walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.
“Maganda, a!’’
tanging naisagot ni Aling Isyang.
“Dapat naman,
Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa laga
e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang
kolehiyo ng mga madre ipapasok ang apo.
“Para disi-otso
mil lang!”
Napakislot si
Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman saanman
niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa
siyang nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang
gobernador ng kanilang lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.
Hindi sinasadya
ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang
dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan,
ay nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.
Naisaloob niyang
marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa kapwa.
Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man
pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.
Natatandaan pa
ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy ang
isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa
kanilang nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa
kanilang bayan, si Don Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy
ay hindi napapawi ang pag-aalinlangan sa kanyang dibdib.
“Hindi na kayo
kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang
kakibu-kibo ang ina.
“A. . . e
nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.
“ Nakita mo na,
Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito,
‘yon bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”
Saglit na
nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang
tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit
niyangmasiyahan.
Pumili ng isang
sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang ay
marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling
Isyang. Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa
sa suot na sapatilya. Ngunit sinarili niya iyon.
May kapaitang
sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon,
hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng
anumang hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala
rin siya. Hindi niya kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban,
upang masiyahan lamang sina Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng
loob nang makaupo na sila sa harap ng hapag-kainan.
“Baka mahal dito?”
hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.
“Si Inang
naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung
ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?
Nagsisi si Aling
Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya nang
masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.
Ayaw magsiupo
ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran.
Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni
Medy sa dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa
bahay. May labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng
bakuran. May tagadilig. Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay
nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang inaalagaang anak.
“Ano ang gusto
n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.
“Kayo na ang
bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi
niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang
wala roon ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.
3
“Alam ko ang
paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na
pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at
tinolang manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.
“Ang mga
bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.
“Kabisado ‘yan
ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong nasa
hardin,” paliwanag ni Medy.
Hindi makaramdam
ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At
umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa
kanyang palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang
pagkain ng mag-asawa at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.
Naisip niyang
kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang.
Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya
pati ang laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang
suka na may pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.
Sa sugpo ay wala
siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang taba sa
talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.
Ibang-iba ang
ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay higit
pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili
niya ang kanyang damdamin.
At nakaramdam ng
lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga naiwan sa nayon. Naalala niya ang
ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag para sa kanyang mga apo.
Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.
Nagtataka siya
kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod ay hidi
na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang
pinag-ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.
“O,” basag ni
Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”
“Kumakain,”
mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”
IPINAHATID ni
Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang
hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang
balikat at dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang
upuan ng kotse siya maupo.
“ Hindi naman si
Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.
Tumango lamang
siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya ang sapatilya
at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman niya
ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.
Hindi man lamang
niya naisip nab aka magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang
sinasakyang bagung-bago at nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy
bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya sa kanyang balintataw ay ang pat
na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-uunahan sa pagsalubong sa
kanya.
Malayo pa man
siya sa nayon ay waring nalalanghap na niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba
sa magarang bakuran nina Medy. Waring malayang-malaya na naman siyang
gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.
Napuno ng
kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at
maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya
ang kanilang tarangkahan.