Monday 3 March 2014

Leslie Ann Galiya
CeD TLE – 1B     

Tunay na Kaibigan Nga Bang Maituturing?

Sa mundo na punung – puno ng mga taong may iba’t ibang kaisipan, paniniwala, at ugali, mahirap makahanap ng mga taong magiging kapalagayang-  loob natin. Pero akala ng iba nakasama mo langng ilang araw, tunay na kaibigan na kaagad. Kapag pareho kayo ng trip at mga gustong puntahan, akala mo tapat na kaibigan na. May mga nakapagsabi sa akin na wala ka naman ibang maaasahan sa mundong ito kundi ang iyong sarili lamang. Para sa akin, totoo naman talaga iyon. Kaya lang kung ikaw ang tatanungin, masasabi mo ba na masayang mabuhay sa mundo kung ang tanging iniikutan lamang ng daigdig mo ay ang pamilya at sarili mo lang? Bakit pa nagkaroon ng kantang “Kung Kailangan Mo Ako” na inawit ni Rey Valera? Ayon sa kanta niya.
Mayrong lungkot sa yong mga mata
At kay bigat ng yong dinadala
Kahit di mo man sabihin
Paghihirap mo'y nadarama ko rin
Narito ang mga palad ko
Handang dumamay kung kailangan mo
Asahan mong mayron kang kaibigan
Laging tapat sa yo
At kung kailangan mo ako
Sa oras ng iyong pag-iisa
Kung naninimdim
Asahan mong ako ay darating
Kung kailangan mo ako
Sa sandaling bigo na ang lahat
Pusong kay tamis
Kailan ma'y di kita matitiis
Sa sandaling kailangan mo ako
            Sa awitin niyang ito, kailangan mo ng kaibigan upang ikaw ay damayan sa kabila ng suliranin mo sa buhay.
            High School days. Ito ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko at ng kapwa ko estudyanteng nagdaan sa apat na taong ito. Unang araw ng klase kaya’t medyo nagkakahiyaan pa.Sa apat na sulok ng kuwarto maririnig ang ingay ng mga estudyante na halatang sabik makilala ang isa’t isa. Mga bandang alas syete na ng umaga nang dumating ang titser at naabutang nagbabatuhan ng papel ang mga kalalakihan sa likod na mukhang mga “Dota Boys.” Kanina pa kase sila nag - uusap tungkol sa dota na tila ba sila lang ang nagkakaunawaan kaya naman, madali lang silang nagkasundo. Nagpakilala na ang aming titser at inutusan kaming humanap ng kapartner para naman makilala namin ang isa’t isa. Nasa ikalawang hanay ang aking upuan samantalang, ang naging kapartner ko ay nakaupo sa unang hanay. Sabi niya, kaming dalawa na lang daw ang maging magkapareha kaya naman pumayag na ko. Naalala ko nga pala, siya yung kaklase kong babae na kanina pa sagot ng sagot sa tinatanong ng titser namin. Pati pagsasalita niya ng Ingles para bang inaartihan niya.
            Doon kami malapit sa may bintana pumuwesto. Una siyang nagpakilala.“Ang name ko Alyssa, how about you?” sabi niya. Pagkatapos, binanggit ko din ang buong pangalan ko. Pareho kami ng edad at hindi nagkakalayo ang buwan ng aming kapanganakan. Nais daw niyang bumuo ng grupo kung saan magiging matatalik kaming magkakaibigan. Sinakyan ko lang ang trip niya at nagpakita lang ako ng pagsang - ayon sa mga sinabi niya.
            Kinabukasan, oras na naman ng klase. Sayang at hindi kami naging magkatabi ng kaibigan ko. Pero ayos lang, kasi kaibigan ko rin naman ang aking katabi sa upuan. Si Alyssa ay tulad pa din ng kahapon na aktibo sa klase, at inaartihan ang pagsasalita ng Ingles. Pero wala namang kaso sa akin kung ganoon siya. Dumating na ang oras ng pananghalian, magkasama na naman kami at pareho pa kami ng biniling pagkain. Marami kaming napagkwentuhan partikular na ang problema niya sa pamilya. Hindi ko siya itinuring na barkada sapagkat ang barkada ay kasama lang naman natin sa mga lakaran, pasyalan, o kasiyahan. Katulad ng mga kaklase kong nag uusap tungkol sa pagpasyal nila sa isang lugar.
            “Rey sasama ka ba kina Ann?Naghihintay sina Angelo at Rachel.” Ang sabi ni Joey.
            “Marami kasi akong tatapusing report, pero kung kasama ka, pwede rin akong sumama.” Sagot naman ni Rey.
            “Sa Grotto Vista ang punta natin, kina Ann tayo magkikita – kita. Ang sarap sa Grotto. Anim ang swimming pool at maraming slides. Tara na.”
            “Oo na nga. Magpupuyat na lang ako mamayang gabi. Kasama ka lang kaya sasama ako. Di naman tayo magtatagal diba?kaya hindi na lang ako magpapaalam.” Ang pagsang - ayon naman ni Joey.
            Sa kanilang pag uusap na ito, hindi ko masasabing tunay silang magkakaibigan sapagkat ang nais lamang nila ay magliwaliw at mga lakarang gaya niyon. Sa ginagawa nila, maaring humantong lamang sa kapahamakan ang kanilang lakad sapagkat hindi man lamang sila nagpaalam sa kanilang mga magulang. Mas nais nila ang kasayahang gaya nito kaysa ang pag uudyok sa bawat isa na mag - aral.
            Dumaan pa ang mga araw at sa kabila ng aming magandang samahan ni Alyssa, nagbago ang lahat nang dahil lang sa isang pangyayari. Isa si Alyssa sa naatasang maglinis sa kwartong aming ginagamit upang mag – aral.. Nagkataon naman na nagmamadali ako ng araw na iyon sapagkat may mahalaga pa akong pupuntahan. Nagpaalam akong mauuna na kasama ng iba pa naming kaibigan. Tumango lamang siya at sa pag - aakala ko na ang kanyang pagsang – ayon ay isang hudyat na maaari na akong umalis, ngumiti ako sa kanya kasabay ng mabilis na paglakad papalayo. Simula noon, hindi na kami tulad ng dati na palaging magkasama. Tila ba lumamig ang kanyang pakikitungo sa akin. Nag - uusap na lamang kami kapag may itatanong o kung may kinalaman sa aming pag aaral. Hindi ko na siya tinanong kung ano ang dahilan ng hindi niya pagpansin sa akin. Inisip ko na lang na sensitibo siya sa mga ganoong bagay. Kapag aking binabalikan ang pangyayaring iyon, iniisip ko na wala naman akong ginawang mali sapagkat nagpaalam naman ako sa kanya. Ayoko na ding isipin na muli pa naming maibabalik ang dati sapagkat kung sa isang simpleng bagay katulad ng nangyari paano pa kaya kapag sinubok kami ng panahon. Hindi rin magtatagal ang aming pagkakaibigan. Para bang isang sugat na hindi na kailanman maghihilom nang dahil lang sa isang payak na pangyayari ang pinag – ugatan. Doon ko napagtanto na ang tunay na kaibigan pala ay nakikilala sa sandaling sinubok na ng pagkakataon ang tatag ng pagsasama. Hindi ba ang kaibigan handa tayong unawain sa ating pagkukulang at laging may panahon sa pakikinig sa ating mga hinanakit na di kayang maipahayag sa iba? Hindi na muling nabuksan pa ang pangyayaring iyon at tuluyan na kaming hindi nagkabati.
            Natapos na naman ang unang taon sa high school. Dumating na ang ikalawang taon at hindi na kami naging magkaklase. Sa aking naging karanasan noon, dapat ay maging mapili na ako sa kaibigan. Mga kaibigang handa kang pakinggan sa iyong hinaing at hindi ka iiwan sa mga oras na kailangan mo ng masasandalan. Sa ikalawang pagkakataon, hindi na ako nagkamali sa pagpili sa magiging tunay kong kaibigan. Hindi lang isa kundi anim na kaibigang handang tumulong at magbigay ng payo. Sa katunayan, hanggang ngayon kahit na magkaiba na kami ng eskwela, may komunikasyon pa din kami sa bawat isa. Kapag may problema ang isa sa amin, handa kaming umalalay at magpagaan ng loob sa abot ng aming makakaya. Kahit gaano pa kaabala ang bawat isa sa amin, may oras pa din kami upang makapagkwentuhan. Naalala ko ang mga panahon na kaming magkakaibigan ay nagkaroon ng honor sa klase, ngunit isa sa amin ay hindi nakasama. Pero kahit ganoon, natuwa pa rin siya para sa amin at sinuportahan pa din niya kami. Tunay nga na sa bawat kaligayahang ating nadarama, masaya sila para sa atin. Walang anumang inggit at diskriminasyong namamayani kung kaya’t madalas kaming nagkakasundo. Minsan, kapag hindi bagay ang suot kong damit, sinasabi nila ito sa akin sa paraang hindi ako magagalit at mapapahiya. Yung tipong hindi nila sinasabi sa harap ng maraming tao. Isa yan sa palatandaan ng mga tapat na kaibigan. Sila ang makapagsasabi sa atin nang tahasan ng mga bagay na di kayang ipagtapat ng iba kahit pa makasakit ito ng ating damdamin sapagkat ang layunin nila’y hindi upang hamakin ang ating pagkatao o ipamukha sa atin ang ating kahinaan. Sa halip, gusto lamang nilang  mapaunlad ang ating kahinaan at mabago ang di magandang pag uugali. Hangarin nilang maituwid ang ating landas na tinatahak sapagkat ang ating kapahamakan ay nangangahulugan din ng kanilang kabiguan.Sa ating paglalakbay sa mundong ito, marami tayong nakikilalang tao na naging mahalaga sa atin. Maaaring sila ay kaibigan o kaya ay kaaway. Anu’t ano pa man, walang patid ang ating pakikipag - ugnayan sa mga tao. Para sa akin,  angtotoong kaibigan ay maunawain, hindi sinungaling, magaling makipag – usap, mabait, at masayahin. Hindi naman mahalaga kung maganda o gwapo ang iyong kaibigan. Hindi naman nasususkat ito sa pisikal na kaanyuan. Hindi rin sukatan ng pagkakaibigan kung kayo ay matalino o popular. Ang mahalaga ay magkaroon ka ng kaibigang mapagkakatiwalaan, matapat at hindi lang lumalapit sayo kapag siya ay may kailangan.
            Sinasabi din na magulang daw ang maituturing na pinakamatalik na kaibiganng tao. Kailanma’y di mapapantayan ng sinuman ang pagmamahal na iniuukol nila para sa mga anak. Sila ang taong hinding- hindi magbabago kahit pa talikdan sila ng kanilang mga anak. Taos – puso ang kanilang pagdamay at hindi pabalat – bunga lamang. Magmukha man silang sirang – plaka, di sila magsasawa sa pagbibigay ng mga pangaral matiyak lamang na magiging maganda at maayos ang buhay ng kanilang anak. Kahit na minsan ay nagbibingi - bingihan sila sa ating mga sinasabi, lagi pa rin silang nakahanda sa pag – unawa hanggang sa takipsilim ng kanilang buhay.
            Paano naman kaya kung ang iyong kaibigan ay nagkasakit? Paano mo nga ba dadamayan ang isang kaibigang nagpapagaling upang makita niya na nandiyan ka upang palakasin ang kanyang loob? Unang una, dapat na mag alok ng espisipikong tulong tulad ng pagsabi ng anuman ang kanyang kailangan ay nariyan ka upang tumulong sa abot ng iyong makakaya. Pangkaraniwan lang na alok iyan, pero gaano ba karami sa atin ang magsasabi na ginagawa yan ng isang kaibigan sa isang tao? Minsan, ang kailangan ng isang kaibigan na maysakit ay ang aliwin siya. Tulad ng pagdadala ng mga paborito niyang librong nakakalibang basahin o iyong paborito niyang palabas kung nais niyang manood. Tiyak naman na kung talagang tunay kang kaibigan, alam mo kung ano ang mga hilig niya.
            Mayroon ding iba’t ibang uri ng kaibigan. Una ang “Kaibigang Artipisyal”. Sila ang iyong mga kaibigan na kapag nakaharap ka lang at pag nakatalikod ay wala nang pakialam. Madalas kang makarinig ng magagandang salita galing sa kanila. Sila ang magsasabing magaling ka kahit alam naman niyana mahina ka doon. Pangalawa ay ang “Kaibigang Talangka.” Kaibigang may pag - iisip sa crab mentality. Sila ang nagbababa sa iyo. Ayaw nilang mahigitan sila. Gusto nila kung saan ka magaling ay magaling din sila. Pangatlo ay ang tinatawag na “The Parasites.” Mga kaibigan na may linyang “kapit sa matatag” sapagkat sila ang kakapit sa panahon ng kagipitan lamang. Ikaapat ay ang “Bodyguards.” Sila ang bumubuntot sa iyo at namimili din sila ng pakikisamahan. Ikalima ay ang tinatawag na “The Mushrooms.” Ang ugali nila ay parang kabute. Nagpapakita lang sila kapag may okasyon.Ikaanim ay ang “Ka-i-bi-gan.”Sila ang kaibigang daig pa si Romeo manligaw kay Juliet. Hindi nila hanap na maging kaibigan ka, kundi mas matindi pa dun. Sila ang mga dakilang manliligaw. Sila ang iyong kaibigan na may malalim na pagtingin sa iyo.Ikapito ay ang “The Traitors.”Sila ang mga kaibigang nang – iiwan. Kaibigan mo sila ngunit hindi ka nila itinuturing na kaibigan. Ikawalo ay ang “Brothers or Sisters.”Sila ang mga kaibigang itinuturing mong kapatid dahil mapagmahal. Nakakatanda sa iyo at napagkukunan mo ng payo. Ikasiyam ay ang “Golden Friends.”Sobrang tagal niyo nang magkakilala. Kahit lumipas man ang panahon ay hindi ka niya kinalimutan. Panghuli ay ang tinatawag na “Tunay na Kaibigan.” Sila ang mga kaibigan na kahit nakatalikod ka man at walang nakatingin ay kaibigan mo pa rin. Sila ang mga taong hindi nakakalimot kahit tumanda na kayo. Sila ang nag – aangat sa oras na bumagsak ka at sila rin ang nagpapasaya sa mga oras na malungkot ka.
            Marahil mayroon ngang iba’t ibang uri ng kaibigan. Nasasaiyo kung sino ang pipiliin mo sapagkat ikaw ang nakakaalam ng maaring kahinatnan ng pipiliin mong maging kaibigan.
            Hindi na kami nagkikita ngayon ni Alyssa, pero kahit hindi na kami gaya ng dati, mananatili pa din sa isip ko ang aming mga pinagsamahan. Yung mga payo niya sa akin upang makatulong sa paglutas ng aking mga problema ay hindi na mabubura sa aking isipan. Kahit papaano ay natuto akong hanapin ang mga tunay na kaibigan na siyang nakapaligid lang pala sa akin.
Reference:
·         Ang Tao: Ugat ng Pakikipag – Ugnayan (Edukasyon sa Pagpapahalaga II)
 Zenaida V. Rallama
·         Karapatang Sipi 2008 ng Gabay Eskwela Publishing House Kayumanggi sa Filipino 1 Gramatika at Pagbasa
Teresita Laxina, Perla Guerrero at Josephine Emma Reyes
Leo Ross Publications
·         Yaman ng Wika at Panitikan (Filipino IV)
Maurita L. Glinofria
Diwa Scholastic Press Inc.


No comments:

Post a Comment